Road mega-dike: malaking banta sa Lawa ng Laguna

ulat nina Bernabeth Jo Tendero at Jaimini Jahaziel Resurreccion

IMG_9719

Ang Lawa ng Laguna ay kanlungan ng buhay: mga halamang dagat; mga hayop gaya ng suso, tulya’t talaba; iba’t ibang uri ng isda o ibon; at maging ng mga taong naninirahan sa mga baybay nito. Ang lawa ay pinanggagalingan ng pagkain at kabuhayan, bukod sa daanan ng mga sasakyang pantubig.

Sa kasalukuyan, bunsod ng sunud-sunod na pagbaha at lumalalang epekto ng pagbabago ng klima, balak ng gobyerno sa ilalim ng administrasyong Aquino na magtayo ng kalsada, mega-dike at iba pang impraestruktura na diumano’y kokontrol sa baha at magpapaluwag sa daloy ng trapiko.

Biyaya ng lawa

Ang Lawa ng Laguna ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas. Ito’y may sukat na 911 kilometrong kwadrado. Dalawampu’t isang ilog ang dumadaloy patungo dito. Siyam na isla ang matatagpuan dito kung saan ang Isla ng Talim ang pinakamalaki at may pinakamaraming nakatirang tao.

Nakapalibot sa lawa ang probinsiya ng Laguna at Rizal, at Metro Manila. Mahigit 10 milyon katao (2010 census) ang nakatira sa mga baybayin nito.

Mayaman ang lawa sa iba’t ibang uri ng buhay. Sa katunayan, may 23 uri ng isda ang makikita dito. Sinasabing 40 porsyento ng pagkaing isda ng Kamaynilaan ay nanggagaling sa lawa.

Ayon sa mga mangingisdang nakatira sa barangay Sinalhan sa Lungsod ng Santa Rosa, Laguna, malaki ang pakinabang ng lawa sa buhay at pinagkukunan ng kabuhayan nila. Sa katunayan, sa murang edad ay sumasama na sila sa kanilang mga magulang para mangisda. Hindi lamang isda ang nakukuha sa lawa. Nagtatanim din sila sa pampang, nag-aalaga ng itik, at nangangahig ng suso, hipon, tulya’t talaba. Bagama’t wala nang masyadong nahuhuling isda na dati’y masagana sa lawa tulad ng ayungin at biya, nakakahuli pa rin sila ng tilapia at “big head” (Pangasius).

Sa paglipas ng panahon, patuloy na nagsisilbi ang Lawa ng Laguna sa mga pamayanang nakapaligid dito. Ngunit may bantang maputol ang ugnayan ng tao sa lawa dahil sa isang malawakang programang “pangkaunlaran” – ang Laguna Lakeshore Expressway Dike Project (LLEDP).

IMG_9751

Road mega-dike at reklamasyon

Ayon sa Laguna Lake Development Authority, ang LLEDP ay naglalayong: mabawasan ang pagbaha sa mga komunidad sa baybay-lawa mula Taguig patungong Calamba at Los Baños; maisaayos ang daloy ng trapiko mula Metro Manila patungong Laguna; magkaroon ng produktibong lupa at magamit ang yaman at kakayahan ng pribadong sektor.

Ang proyekto’y may dalawang bahagi: una, ang 47-kilometrong kalsada na may flood control dike at pangalawa, 700-ektaryang reklamasyon mula Taguig hanggang Muntinlupa. Ang road dike ay bubuuin ng 16 tulay na may 14-15 flood gates sa bawat tulay, walong interchanges, at isang pumping station.

Samantala, ang reklamasyon ay nakatakdang gamitin upang gastusan ang pagpapatayo ng road dike. Itatayo dito ang mga impraestrukturang komersyal at residensyal. Tinataya ng gobyerno na magbibigay ito ng karagdagang “pang-ekonomiyang kaunlaran sa rehiyon” sa pamamagitan ng dagdag na produksyong idudulot ng reklamasyon.

IMG_9783

Rehabilitasyon ang kailangan

Ang LLEDP ay mariing tinututulan ng mga mamamayang nakatira sa paligid ng Lawa ng Laguna.

Ayon kay Pascual Hernandez ng Save Laguna Lake Movement (SLLM), nagsimula ang pagkasira ng lawa nang huminto ang pagdaloy ng tubig mula sa Look ng Maynila papasok sa Lawa ng Laguna at pabalik na idinulot ng Napindan Hydraulic Control Structure. Ang natural na daloy ng tubig ang lumilinis sa lawa at nagdaragdag ng mga isda mula sa Look ng Maynila patungo sa Lawa ng Laguna. Pinalala ang kalagayan ng pagtatapon ng mga lasong kemikal mula sa mga pabrikang itinayo sa tabi ng lawa bunsod ng Project Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Paliwanag pa ni Hernandez, hindi LLEDP kundi rehabilitasyon ng lawa ang kailangan. Naniniwala ang SLLM na ang pagsasapribado’t pagpapalit ng gamit ng lawa, tulad ng naunang Project Calabarzon, ay magdudulot ng malawakang pagpapalayas sa mga residenteng mangingisda at maralita.

Mariing tinututulan ni Rodolfo Galicia, miyembro ng Bantay Lawa, ang LLEDP dahil walang katiyakan na ang proyektong ito’y para sa ikauunlad ng mga residente sa baybay-lawa.

Samantala, umaasa si Selmo, isang mangingisda sa Sinalhan, na mamulat ang kabataan sa tunay na kalagayan ng lawa at magkaroon sila ng malasakit para sagipin at pangalagaan ang yamang tubig nito.#

IMG_9764

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

    Join 9,047 other followers

%d bloggers like this: