Tunay na State of the Nation: Mas Matinding Pagdurusa ng Manggagawang Pilipino

9 Hulyo 2013

Tunay na State of the Nation: Mas Matinding Pagdurusa ng Manggagawang Pilipino

mula sa pahayag ng PAMANTIK-KMU

Kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin—ito ang handog ng rehimeng US-Aquino sa kanyang ikatlong taon sa estado poder. Walang humpay na nilalako ni Aquino bilang mga pipitsuging kalakal ang lakas-paggawa ng manggagawang Pilipino.  Buong-buo niyang ibinubukas ang likas-yaman at kalayaan ng bansa sa pandarambong at panggagahasa ng mga dayuhang kapitalista. Ito ang tunay na State of the Nation—ang larawan ng pagdurusa ng mamamayan dahil sa pagiging tuta at kainutilan ng rehimeng US-Aquino.

 Kaliwa’t kanang pagtaas ng presyo ng mga bilihin

Matapos bigyan ng pakonswelo ang mga tsuper, operator, at commuters sa kakarampot na rollback noong nakaraang linggo, muling nagtaas ang presyo (P0.60, 0.45, 0.40 bawat litro) ng gasolina, diesel, at kerosene kahapon, Hulyo 9. Mula Mayo, umabot na sa P4/litro ang itinaas ng presyo ng diesel, samantalang P3.80/litro naman ang sa gasolina.

Hindi rin maitatanggi ang pagtaas ng presyo ng mga batayang produkto tulad ng bigas, gatas, karne, gulay, noodles, sardinas, at iba pa kumpara sa nakaraang taon. Hindi maampat ang pagtaas ng singil sa kuryente at patubig, at nakaamba pa ang muling pagtaas nito sa susunod na buwan dahil sa buwis ng mga pribadong kumpanya (tulad ng Manila Electric Corporation) na ipinapasa sa mga konsyumer nito.

Samantala, mahigit 350 pamantasan at kolehiyo at 1,100 paaralan sa elementary at highschool ang pinayagang magtaas ng matrikula ngayong taon. Nakaplano namang taasan ngayong buwan ng P33 ang buwanang kontribusyon sa SSS, at P100 naman sa Pag-ibig.

Kawalan ng serbisyong panlipunan

Upang matiyak ang pagbabayad utang panlabas, ipinapatupad ng IMF-World Bank ang structural adjustment policies, kung saan direkta nitong inuutusan ang mga gobyerno tulad ng rehimeng US-Aquino na bawasan ang budget ng gobyerno para sa mga pampublikong serbisyo tulad ng edukasyon, pabahay, at kalusugan.

Mula sa bibig ni Aquino at kanyang mga galamay, pinagmumukhang “matulungin” ang IMF-WB at imperyalismong US sa tuloy-tuloy nitong pagpapautang sa Pilipinas ng milyon-milyong dolyar. Ngunit ginagawa lamang nila ito upang higit pang kontrolin ang yaman at kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng mga neoliberal na polisiyang nag-“eengganyo” sa mas marami pang dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Kabilang sa mga neoliberal na polisiyang ito ang Private Public Partnership Program ni Aquino, kung saan itinutulak ang mga pampublikong institusyon (tulad ng mga ospital, pamantasan, at pabahay) na makipag-“partnership” sa mga pribadong kumpanya. Dahil dito, pinatatakbo bilang mga negosyo ang mga institusyong ito.

Malawakang disempleyo at kontraktwalisasyon, mababang pasahod, kawalan ng benepisyo

Sa kasalukuyan, umaabot na sa P1069 ang tantyang arawang gastusin para sa isang pamilyang may 6 miyembro sa Timog Katagalugan. Ngunit hindi nakakasabay dito ang dumadausdos na kabuhayan para sa mamamayang Pilipino.

Mula nang maupo si Aquino bilang papet na pangulo, mabilis na lumaki ang bilang ng kontraktwal na empleyo sa buong bansa. Hayagan itong itinataguyod ng rehimen para diumano dumami ang trabahong malilikha para sa mamamayan. Pero ang katotohanan, nais lamang pagbigyan ni Aquino ang mga pangangailangan ng kanyang mga among dayuhan sa murang pasahod at kung gayon, mas malaking tubo.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa 65-70% ng lahat ng manggagawa ang napapailalim sa iba’t ibang tipo ng kontraktwal na empleyo tulad ng agency workers, OJT, interns, cooperative workers, casual employees, at iba pa. Kontraktwal ang halos kalahati o higit pa sa kabuuang bilang ng mga manggagawa sa Asia Brewery, NXP, EMI Yazaki, Aichi, Takata, Coca Cola, Ebara, PAC, Moriroku, URC, at Hoya Glassdisk. Marami sa mga ito ang 1-20 taon nang nasa serbisyo, ngunit wala pa ring kaseguruhan sa trabaho hanggang sa ngayon.

Ayon sa labor code, iligal ang labor-only contracting subalit pilit itong nilulusutan ng mga kapitalista at mga kasabwat nitong ahensya ng gobyerno. Naglipana ang mga in-house agencies o yaong mga pinag-mamay-arian mismo ng mga kumpanya upang gawing “ligal” ang pagbibigay ng kontraktwal na trabaho, kagaya na lamang ng The Red Systems sa Coca Cola.

Karaniwan, tumatanggap lamang ng minimum wage (P315-P337) o mas mababa pa ang mga kontraktwal na manggagawa sa rehiyon. Wala silang natatanggap na benepisyo tulad ng rice subsidy, night differential, overtime pay, health benefits, at leave. Lalo pang pinababa ang sahod sa rehiyon nang ipatupad ang Two Tiered Wage Scheme noong nakaraang taon.

Sa pagtatakda ng floor wage na P255/araw at Conditional Temporary Productivity Allowance na P12.50, buong-buo nang tinalikuran ng administrasyon, sa pamamagitan ng Department of Labor and Employement (DoLE), ang kanyang obligasyong tiyakin na nakabubuhay ang sahod ng mga manggagawa sa bansa.

Para sa mga kapitalista, walang karapatang mag-unyon ang mga kontraktwal. Sa ganoong kalagayan, hindi naipagtatanggol ng huli ang mga kanilang mga karapatang pilit na ipinagdadamot sa kanila.

Dahil sa kakulangan ng arawang sahod na tinatanggap, napipilitan ang mga manggagawang mag-overtime. Kadalasan, umaabot ng 10-16 oras ang pagtatrabaho ng mga manggagawa. Gayunpaman, karaniwan pa rin ang mga nakasanlangATM at mga gamit ng mga manggagawa dahil sadyang kapos ang kanilang kinikita.

Mula 6.9%, tumaas naman ng 7.5% ang unemployment rate sa Pilipinas, kalakhan ay binubuo ng mga college graduate at undergraduate. Hindi na nakapagtataka kung bakit tumaas din ang bilang ng mga manggagawang Pilipino na nakikipagsapalaran sa ibayong-dagat. Mahigit 70,000 ang umaalis ng bansa mula sa Timog Katagalugan taun-taon.

Sa kabila ng pinangangalandakan ni Aquino na nagkaroon ng paglaki ang ekonomiya ng bansa (6.8% noong 2012, at 7.8% na paglaki sa gross domestic product ng bansa noong unang kwarto ng 2013), ang pagtaas ng bilang ng walang trabaho sa bansa at paglaki ng bilang ng nangingibang-bayan ay nagpapatunay na kabaligtaran ang nararanasan ng mamamayang Pilipino.

Panunupil at pandarahas sa mga manggagawang inaalipin ng mga dayuhan

Alinsunod sa programa “kontra-terorismo” ng amo nitong imperyalismong US, ipinatupad ni Aquino ang Oplan Bayanihan upang tugisin ang mga naglalayong makawala sa daantaong pagkakagapos sa kontrol at pagsasamantala ng mga dayuhan. Tinuturing na terorista ang sinumang magnais na mabuhay nang marangal, handang ipagtanggol ang karapatan, at ipaglaban ang buhay na may dignidad.

Sa hanay ng kilusang paggawa sa rehiyon, ipinatutupad na, bagama’t hindi pa ganap na batas, ang Tripartite Industrial Peace Council Manifestos of Commitment (TIPC MOC). Pinahihintulutan ng kasunduang ito ang panghihimasok at pagkakampo ng mga militar at kapulisan saanman hilingin ng mga kapitalista. Ginamit ng kapitalistang PhilSteel ang kasunduang ito upang buhusan ng daan-daang kapulisan ang picketline ng mga manggagawang nagwelga.

Noong Marso, pinirmahan ni Aquino ang batas na nag-uutos ng pagtatayo ng National TIPC upang maging makinarya sa pagpapatupad ng mga anti-manggagawang batas. Bubuuin ito ng mga pambansang kinatawan ng DoLE, PNP, AFP, mga kapitalista, at mga dilawang pederasyon ng mga manggagawa.

LABANAN ANG ANTI-MANGGAGAWA, PRO-KAPITALISTANG REHIMENG US-AQUINO

Walang tuwid na daan sa bayang batbat ng krisis. Ang tanging daan para sa mga manggagawang matagal nang pinagsasamantalahan at nagdurusa sa ilalim ng papet na rehimen ay ang daan ng pakikibaka.

Upang wakasan ang paghihirap ng mga manggagawa at mamamayan, kailangang labanan ang mga neoliberal na polisiya ni Aquino, sama-samang ipaglaban ang sahod, trabaho, at karapatan, at makibaka para sa ganap na paglaya ng bansa mula sa kontrol at pandarambong ng imperyalismong US.

Tanging sa pagkakaroon ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa magiging maginhawa ang buhay at kabuhayan ng manggagawang Pilipino. Makakamit lamang ito kung magkakaisa ang lahat ng manggagawa at mamamayan upang igiit ang malalaking pagbabago na maghahatid ng tunay na pag-unlad sa bansa.

SERBISYO SA TAO, HUWAG GAWING NEGOSYO!

SAHOD, ITAAS! PRESYO, IBABA!

LABANAN ANG MGA NEO-LIBERAL NA POLISIYA NG REHIMENG US-AQUINO!

IMPERYALISMO, IBAGSAK!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

    Join 9,047 other followers

%d bloggers like this: