Sa ika-62 Taon ng International Human Rights Declaration, Timog Katagalugan Kinundena ang Patuloy na Pampulitikang Panunupil ng Rehimeng US-Aquino

Sa ika-62 taong paggunita sa United Nations International Declaration of Human Rights, pinangunahan ng KARAPATAN (Alliance for the Advancement of People’s Rights) – Southern Tagalog ang paglunsad ng mga aktibidad upang maitambol ang mga panawagan at pagkundena ng mga mamamayan sa patuloy na pampulitikang panunupil sa rehiyong Timog Katagalugan sa ilalim ng bagong rehimeng US-Aquino. Tampok sa halos dalawang linggong pagkilos ang pagsagawa ng dalawang araw na Human Rights Caravan patungong Maynila noong Disyembre 9 at 10 at pagkasa ng mga aktibidad sa sining at kultura.

Mariing kinundena ng iba’t-ibang sektor at mga progresibong organisasyon sa rehiyon ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ilang-buwang panunungkulan pa lamang ni Pangulong Noynoy Aquino bunsod ng pagpapatuloy ng kontra-insurhensiyang programang Oplan Bantay Laya ng nagdaang rehimeng Arroyo.

Ayon kay Glen Malabanan, deputy secretary general ng KARAPATAN-ST, “walang pinag-iba ang gobyernong Aquino sa nagdaang rehimen ni Arroyo dahil sa pagpapatuloy ng Oplan Bantay Laya.”

Sa tala ng Karapatan-ST, sa unang limang buwan pa lamang ni Aquino sa pwesto, 22 na ang bilang ng pampulitikang pamamaslang sa bansa at walo dito ang mula sa Timog Katagalugan. Pinakahuli na rito si Caloy Rodriguez, lider-manggagawa ng Nagkakaisang Lakas ng mga Mangagawa ng Water District Calamba na walang-awang pinagbabaril ng mga hinihinalang elemento ng militar na nakasakay sa motorsiklo noong Nobyembre12. Ilang metro lamang nakabase ang 202nd Infantry Brigade sa pinangyarihan ng pagpaslang. Mga elemento rin ng militar na nakamotorsiklo ang salarin sa pagpaslang kay Rene Rodriguez, lider-magsasaka sa Calaca, Batangas noong  November 7.

Samantala, sa 383 na bilanggong pulitikal sa bansa, 66 sa mga ito ang nanggaling sa Timog Katagalugan. Kasama na dito ang 20 na kasapi ng Morong 43 healthworkers na magpasahanggang ngayon ay nakadetine sa Taguig at kasalukuyang nasa hunger strike. Mula nang umupo si Aquino bilang pangulo ay mayroon na ring naitalang 36 kaso ng paglabag sa karapatang pantao at isa sa enforced disappearance sa rehiyon.

Ang caravan na nagmula pa sa Lucena City ay lumundo sa Mendiola bitbit nila ang mga panawagang pagpapatigil ng militarisasyon sa kanayunan at kalunsuran, katarungan sa mga biktima ng extra-judicial killings (EJK), pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at pagpapatigil sa sapilitang pangrerecruit ng militar sa CAFGU o Citizen Armed Forces Geographical Unit tulad ng nangyari sa 17-taong gulang na si Noel Baez ng Batangas na binugbog ng mga militar ng tumangging sumapi sa CAFGU.

Ayon pa rin kay Malabanan, “wala nang panahon upang maghintay sa gagawin ni Noynoy dahil habang tumatagal na nakabinbin ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao at ipinagpapatuloy ang Oplan Bantay Laya, patuloy lamang ang panunupil sa mamamayan,” dagdag pa niya.”

“Kung hindi kaya ni Noynoy na papanagutin ang kapwa niya berdugong si Gloria Arroyo sa lahat ng mga kaso ng paglabag nito sa karapatang pantao, ang sama-samang pagkilos ng mamamayan ang siyang hahatol sa mga nagkasala sa bayan!” ani Andrianne Mark Ng, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog.

Bitbit din ng mga grupo ang walong kabaong na nakasulat ang pangalan ng walong biktima ng pampulitikang pamamaslang. Ani Malabanan, “Simbolo ito ng pagtuloy na kamatayan ng karapatan ng mga mamamayan.” Isang higantes na Noynoy Aquino rin ang nagsasalarawan sa pagsakal niya sa mamamayan gamit ang Oplan Bantay Laya.

Kasabay sa HR caravan naglunsad rin ng pagkilos ang mga militanteng grupo mula sa Cavite, Rizal at Batangas. Sa Batangas Provincial Jail, inilunsad ang isang programa sa pagpapanawagan ng pagpapalaya ng mga bilanggong pulitkal. Sa gabi ng pagtatapos ng unang araw ng cultural caravan ay inilunsad rin ang isang candle lighting ceremony sa Crossing, Calamba bilang paggunita sa lahat ng biktima ng pampulitkang pamamaslang sa rehiyon kabilang na sina Eden Marcellana, dating secretary general ng KARAPATAN-ST, at Eddie Gumanoy, dating tagapangulo ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) na brutal na pinasalang  ng mga militar habang nasa fact-finding mission sa Mindoro noong 2003. #

Noong December 10, nakipag-kaisa naman ang rehiyon sa iba pang sektor sa Maynila para sa tradisyunal na pagkilos sa paggunita sa makasaysayang araw na lumundo sa paanan ng Mendiola kasunod ng isang simbolikong human chain mula sa kahabaan ng Blumentritt. Kinalampag din ng mga mamamayan ang Department of National Defense (DND) at Department of the Interior and Local Government (DILG) upang kundinahin ang patuloy na militarisasyon sa kanayunan at kalunsuran ng rehiyon.

Samantala, kasabay rin ng koordinadong mga pagkilos, nakipag-kaisa rin ang mga artista sa pagpapanawagan sa pagsusulong ng karapatang pantao sa pamamamgitan ng mga pagkasa ng iba’t-ibang aktibidad sa sining at kultura.

Noong December 3, inilunsad ang isang Human Rights Festival sa Plaza Miranda bilang pag-alala sa araw ng mga bilanggong pulitikal. Sa pangunguna ng DEFEND-Southern Tagalog, tampok sa isang araw na aktibidad ang “Sining Mula sa Karsel,” isang exhibit ng mga obra ng mga bilanggong pulitikal at ang cultural night sa gabi.

Kasabay nito, pinasinayaan ang pagpapalabas ng mga pelikula o short films na sumasalamin sa tunay na kalagayan ng karapatang pantao sa bansa. Sa produksyon ng multimedia group Southern Tagalog Exposure (STeX), Free Jonas Burgos Movement, Artists’ Arrest at Karapatan-ST, ang RIGHTS Public Service Advertsements ay compilation ng mga maiikling pelikulang (one-minuter) na ang tema ay patungkol sa karapatang pantao.

Ayon sa mga prodyuser, layunin ng RIGHTS ang paghikayat sa mga filmmakers at mga artista na maging kabahagi sa pagsusulong ng karapatang pantao sa bansa.

“Naniniwala kaming ang lahat, kabilang na ang mga artista at filmmakers, ay may responsibilidad na ipagtanggol ang karapatang pantao. Ang pelikula at mass media ay mahalagan sa paghuhubog ng kamalayan ng sambayanan. Kaya’t ang papel na ito ay mas higit na kailangan sa panahong nariyan ang banta na sikilin o labagin ito ang ating mga karapatang pantao.”

Ayon naman kay JL Burgos, isa sa mga filmmaker at kapatid ni Jonas Burgos, sa pamamagitan ng kanilang mga pelikula ay hinahamon nila ang rehimeng Aquino na bigyang prayoridad ang isyu karapatang pantao.

Samantalang, una ring pinasinayaan noong December 3 sa Plaza Miranda ang “43”, isang dokumentaryong tumatalakay sa iligal na pag-aresto, pag-torture at pagkulong sa 43 na mga health workers sa kamay ng mga pulis at militar sa Morong, Rizal noong February 6 umano dahil sila ay mga miyembro ng NPA. Sa produksyon ng ST eXposure, Anino Shadowplay Collective at Defend-ST, tampok sa mga voice over ng pelikula ang mga batikang aktor at aktres na sina Soliman Cruz at Bibeth Orteza at direktor na si Joel Lamangan.

Nagkaroon din ng pagpapalabas nito sa UP Los Banos noong December 7 at sa Bernal Gallery UP Diliman noong December 8.

Inilunsad din bilang paggunita sa araw ng karapatang pantao ang panibagong koleksyon ng mga obra ng mga artista sa Fact Sheet Human Rights Exhibit na pinasinayaan noong December 3 sa Bernal Gallery, UP Diliman. Ito ay isang inisyatiba ng Artists’ Arrest at Karapatan-ST.

Layunin ng Fact Sheet na ilantad ang karahasang nangyayari sa madidilim na sulok ng kanayunan, pagawaan at maging sa kulungan sa pamamagitan ng sining. May malaking responsibilidad ang mga manlilikha ng sining na isulong ang batayang karapatan ng tao. Ang pinsel, pintura, canvas at iba pang materyales ang magsisilbing mensahero ng biktima ng karapatang pantao para magmulat at magpakilos sa mamamayan.

Ang mga obra ay magsisilbing factsheet na magbibigay ng bilang ng pinaslang, maglalahad ng karanasan ng pananakit, manunumpa ng petsa at lokasyon ng pandarakip at magsasalarawan ng hinagpis, takot at galit ng mga biktima at ng kanilang mga pamilya. ###

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

    Join 9,047 other followers

%d bloggers like this: