Press Release | Sa kabila ng banta ng super-bagyong Juan, Lakbayan ng magsasaka inilunsad!

KASAMA-TK | KATIPUNAN NG MGA SAMAHANG MAGBUBUKID SA TIMOG KATAGALUGAN

PRESS RELEASE October 18. 2010

References: Nestor Villanueva | Spokesperson | KASAMA-TK                            Andrianne Mark Ng |Spokesperson | BAYAN – ST

Inilantad sa publiko ang isang effigy ni Noynoy Aquino na nakasuot ng cowboy hat, boots at may hawak na sigarilyo habang nakatuntong sa arkong "Haciendero Republic". Ito ay nagsisimbolo ng pag-walangbahala ng presidente sa pangangamkam ng lupa na mas nagpapahirap pa sa mga magsasaka at ang katangian nitong walang pinag-iba kay Gloria Arroyo—ang pagiging tuta ng US. (Kasama-TK)

STA.ROSA, LAGUNA –Sa kabila ng bantang pananalanta ng bagyong Juan, magiting at walangalinlangang nagmartsa ang humigit-kumulang isang libong mga magsasaka upang simulan ang apat na araw na kilos-protesta patungong Mediola na tinaguriang “Lakbayan ng Magsasaka Laban sa Hacienderong Rehimen ni Noynoy Aquino.“

“Alam naming mas matindi pang mga bagyo ang daranasin ng mga magsasaka sa ilalim ng rehimen ni Aquino kung hindi kami kikilos ngayon,“ ayon kay Nestor Villanueva, tagapagsalita ng Katipunan ng mga Samahan ng Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK)

Ngayong araw, sa unang Lakbayan ng magsasaka sa ilalim ng bagong rehimen ipinakita ng mga grupo ang kauna-unahang effigy ni Aquino. Suot ang U.S. cowboy hat , hawak ang latigo habang nakatuntong sa arko ng “Haciendero Republic,” naninigarilyo at binansagang “Señor Haciendero,” ito ang sumisimbolo sa kasalukuyang katangian ni Aquino: ang bagong “tuta ng Estados Unidos, pasista at pahirap sa mga magsasaka.”

Tatahakin nila ang daan mula Timog Katagalugan tungong Kamaynilaan bitbit ang mga panawagan para sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, karapatan sa panirahan, pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal at pagpapatigil sa militarisasyon sa kanayunan.

“Malinaw na ang Lakbayang ito ang tanging daang tatahakin ng mga magsasaka – ang mapangahas na daan ng pakikibaka para sa aming karapatan sa lupa at hindi ang huwad na ‘Daang Tuwid’ ni Noynoy Aquino. Ang unang isandaang araw ni Aquino ay walang ibinungang mabuti at sa halip ay lalong nagpahirap sa mga magsasaka,” saad ni Villanueva.

Kinukundena ng grupo ang kawalan ng administrasyon ni Aquino ng kaukulang aksiyon sa kabi-kabilang pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa na sumisira sa kabuhayan ng mga magsasaka dahil na rin sa CARPER, ang huwad na batas sa reporma sa lupa.

“Repleksiyon ng hindi niya pagbanggit sa reporma sa lupa sa tatlo niyang talumpati ang kanyang kawalan ng kongkretong plano upang tugunan ang hinaing ng mga magsasaka,” dagdag ni Villaneuva na tinutukoy ang panunumpa, SONA at talumpati sa ika-100 araw ni Aquino na pawang walang-banggit tungkol sa reporma sa lupa.

Sa tala ng KASAMA-TK, di-bababasa pitong (7) mga hacienda sa Timog Katagalugan ang hindi pa rin ipinapamahagi sa mga magsasaka na may tinatayang kabuuan na 40,000 hektaryang lupain. Ang 7,100 hektaryang Hacienda Yulo na mas malaki pa sa Hacienda Luisita ay hindi pa rin ibinabahagi sa mga magsasaka, habang patuloy ang karahasang dinaranas ng mga residente nito sa loob ng Sitio Buntog, Brgy. Canlubang, Laguna sa pagpasok-labas ng mga militar.

Ayon kay Eric Laurel ng Samahan ng mga Mamamayang Nagkakaisa sa Buntog (SAMANA-Buntog), patuloy pa rin ang banta ng pagpapalayas sa mga residente nito kahit mayroon pang nakabinbin na apela laban sa panukala ng Laguna Estate Development Corp. at San Cristobal Realty Corp. na gawing golf course at subdibisyon ang lupain. “Nagbabalat-kayo ang pagbisita ng mga militar sa mga diumano’y medical mission o community program, na ang kasunod ay ang pagtatanong nila tungkol sa kung sino ang mga namumuno sa organisasyon at kung may mga dumadaang mga rebelde daw sa amin,” ani Laurel.

Bukod sa pandarahas ng militar at naka-ambang pagkawala ng panirikan at kabuhayan ng mga magsasaka sa kanayunan, kabi-kabila rin ang demolisyon sa Laguna at Cavite upang bigyang-daan ang itinatayong riles ng Philippine National Railways (PNR). Ayon pa sa mga residente na ni-rellocate sa Southville 7 sa Calauan, Laguna, madali silang nagkakasakit dahil sa kawalan ng tubig at maayos ng sewage system at mahigit 90% sa kanila ay walang tiyak ng hanapbuhay.

Samantala, may naitala nang 16 na kaso ng extra-judicial killings (EJK) kung saan lima dito ay mula sa probinsya ng Rizal at ang ilan ay pawang mga miyembro ng grupo ng katutubong KATRIBU partylist.

Naitala rin ang illegal na pagaresto sa tinaguriang “Lumban 3” na sila Darwin Liwag, pangalawang tagapangulo ng KASAMA-TK at pangkalahatang kalihim ng Pagkakaisa’t Ugnayan ng mga Magbubukid sa Laguna (PUMALAG), kasama ang dalawa nitong staff na sila Rey Malaborbor at Aries Suazo. Hanggang sa ngayon ay wala pang kasong nareresolba sa mga nabanggit na naitalang mga kaso ng pampulitikang panunupil.

“Sa patuloy na pagkakalugmok ng mga mamamayan sa kahirapan at karahasan, hindi natin kailangan ang retorika o kung ano pa mang pangako ni Aquino. Kaya’t inaasahan na ng mga magsasaka na hindi sa pagbunot sa ugat ng kahirapan ilalaan ang mahigit isang trilyong badyet ng gobyerno para sa 2011,” ani Andrianne Mark Ng, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog (BAYAN-ST).

Kamakailan ay inaprubahan na ng House of Representatives ang P1.654 trilyong badyet para sa 2011 kung saan pinaglaanan ng P32.3 bilyong badyet ang repormang agraryo. Ani Ng, ang P32.3 bilyong budget na ito ay gagamitin lamang upang lalong yumaman ang mga panginoong maylupa tulad ni Aquino.

Sa apat na araw na Lakbayan, tanaw ng mga magmamartsa ang panunupil na gagawin ng mga elemento ng militar at pulis sa kanilang nagkalat na mga checkpoint sa rehiyon. Tingin pa nila, ang pagpapatupad ng election-gun ban ay maaaring gamitin ng mga militar at pulis upang sampahan ng gawa-gawang kaso at pigilan ang mga magsasaka na makarating ng Kamaynilaan.

”Gayunpaman, hindi kami matitinag sa pagbigwas sa administrasyon ni Aquino na nagpopostura lamang na maka-mamamayan. Sa simula’t sapul, ang kanyang tunay na boss ay hindi ang mahihirap kundi ang kanyang sariling angkan, dahuyang kapitalista at malalaking negosyante,” ani Villanueva.

Nakatakdang makatapak ng Kamaynilaan ang mga magsasaka ngayong gabi sa Muntinlupa na kung saan maglulunsad ng solidarity program sa pagsalubong ng mga maralitang tagalungsod. Kinabukasan ay tutulak ang Lakbayan ng Alabang upang ipagpatuloy kanilang mga panawagan. ###

Comments
2 Responses to “Press Release | Sa kabila ng banta ng super-bagyong Juan, Lakbayan ng magsasaka inilunsad!”
Trackbacks
Check out what others are saying...
  1. […] Sa kabila ng banta ng super-bagyong Juan, Lakbayan ng magsasaka inilunsad! […]

  2. […] Sa kabila ng banta ng super-bagyong Juan, Lakbayan ng magsasaka inilunsad! […]



Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

    Join 9,047 other followers

%d bloggers like this: