Menor de Edad na Biktima ng CAFGU Recruitment, Pambubugbog at Pagbabanta ng mga Sundalo sa Batangas, Nag-Breakdown

KARAPATAN-Batangas

 

PRESS RELEASE

October 13, 3010

 

References:

Ms. Juna Arante I Acting Spokesperson, Karapatan – Batangas

Mrs. Anna Baez I Ina ng Biktima

 

Lungsod ng Maynila— Kasalukuyang nasa Kamaynilaan at kasama sa pagharap ngayong araw ng mga pamilya ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao kay Department of Justice Secretary Leila de Lima ang mag-inang Anna at Noel Baez, upang ipanawagan ang paghingi ng katarungan sa malupit na dinanas ng mga ito sa kamay ng mga sundalo sa kanilang lugar. Si Noel, 17 taong gulang, ay sapilitang nire-rekluta upang maging CAFGU ng mga kagawad ng 740th Combat Group Philippine Air Force na pinamumunuan ni Lt. Col. Arnel Villareal, katuwang ang 59th Infantry Battallion ng Philippine Army.

Dumaranas ngayon ng matinding trauma si Noel dahil sa ginawang pambubugbog ng mga sundalong nakilala lamang bilang sina Sgt. Areta, Sgt. Casapao at Sgt. Casanova ng 740th CG PAF na kasalukuyang nagkakampo pa rin sa baryong tinitirahan ng biktima sa Sitio Calabasahan, Brgy. Quipot, San Juan, Batangas.

Ika-28 ng Agosto nang maganap ang pambubugbog kay Noel sa isang pa-outing ng mga sundalo na ginanap sa Laiya Beach Resort, San Juan. Pinagbintangang nambastos ng babae si Noel nang siya ay magkamaling pumasok sa isang CR na may tao. Ayon sa kanyang ina na si Anna Baez, “sabi nang anak ko, hindi niya ito sinasadya, nang malaman niyang may tao sa loob ay kaagad din siyang lumabas. Sa paglabas niyang iyon, nakita siya nung tatlong sundalo at kaagad na kinaladkad sa isang hiwalay na banyo.”

Dagdag pa ni Gng. Baez, kinuwelyuhan ang kanyang anak, marahas na ibinabagsak at hinihila muling pataas ng isa sa mga sundalo, hanggang sa halinhinang ginagawa ito nang paulit-ulit sa kanya. Maraming beses din umano siyang sinampal sa magkabilang tenga, sinuntok sa dibdib at tiyan at nang magsawa ay pinagbantaang kapag nagsumbong sa magulang ay “papatayin at itatapon sa dagat.”

Pag-uwi sa bahay ay dumadaing na si Noel na masakit ang kanyang tiyan at dibdib at nabibingi ang kanyang kanang tenga. Ilang araw makalipas nito, ay nilagnat siya. Dalawang araw makalipas ang insidente, nalaman ng kanyang mga magulang mula sa ilang nakasaksi sa pangyayari ang brutal na sinapit ng kanilang anak. Takot na takot si Noel nang kumprontahin nila tungkol dito at nangangambang baka patayin ng mga sundalo kapag nalamang nagsumbong sa kanila.

“Inay, bakit naman hindi sila naawa sa katawan ko, akala ko pa naman magiging masaya ako sa dagat, pero bakit ganun ang ginawa nila sa akin, wala naman akong kasalanan. Kayo ang may kasalanan, sana kung pinayagan ninyo ako mag-CAFGU, hindi sila mag-iiba ng trato sa akin…”, ito ang naaala ni Gng. Baez na laging sinasabi sa kanya ng mga anak matapos magtapat sa kanila.

Dahil menor-de-edad at natatakot para sa kanilang anak, hindi nila pinayagan si Noel nang kausapin sila ng mga sundalo upang kumbinsihin na ito ay mag-CAFGU. Mula noon, naging marahas at di-makatao ang pagtrato ng mga sundalo sa kanilang anak. Minsan pa umano ay naabutan nila itong sapilitang pinapakain ng purong tutong na kanin sa loob ng kampo, at kadalasa’y pinagmamasahe ng mga sundalo at laging nilalasing. Minsan na ring sinabihan ng mga ito si Noel na “lumayas ka dito, abnormal ka, tatanga-tanga ka…” Ilang araw mula nang maganap ang insidente, kinakitaan na si Noel nang pagkatulala, biglang sumisigaw at umiiyak, hanggang sa unti-unti nang bumigay ang dating malusog na pag-iisip.

Sa pagtatapos ng rehimeng Arroyo at pagsisimula ng administrasyong Aquino, dumagsa ang 7 batalyon ng magkasanib na Philippine Air Force at Philippine Army sa lalawigan ng Batangas at nagtayo ng mga kampo-militar sa loob ng mga sibilyang komunidad. Ginamit na kampo ang mga pampublikong pasilidad tulad ng barangay hall, daycare center, chapel at maging eskwelahan katulad ng ginawa sa baryo nila Noel. Mayor na aktibidad ng mga ito ang pagre-rekluta ng CAFGU kahit sa hanay ng mga menor-de-edad na kabataan.

Sa kasalukuyan, nangangailangan si Noel ng panahon at lugar upang makabawi mula sa inabot na trauma sa kamay ng mga sundalo, subalit “napakasakit at napakahirap para sa amin, nais makita at makasama ni Noel ang kanyang mga kapatid sa amin sa bukid, subalit dahil nandoon pa rin ang mga militar na makakapagpaalala sa kanya ng nangyari at nagbanta mismo sa kanyang buhay, hindi kami makabalik… maging ang aking asawa ay pinagbabantaan na rin, at ang iba ko pang mga anak ay hinaharass din…napakasakit sa kalooban, na ang pinagtiwalaan naming magtatanggol sa amin ay siya ngayong dahilan kung bakit nagulo ang payapang buhay ng pamilya ko…”, naiiyak na salaysay ni Gng. Baez.

Takot ang pangunahing dahilan kung bakit pinili ng pamilyang Baez na matagal na manahimik kaugnay sa nangyari. “Kasama nila mismo sa loob ng barangay nila ang mga militar, maya’t mayang nakakasalamuha, katunayan pagkatapos ng insidente ay pinalibutan sila ng sundalo sa kanila mismong bahay noong Setyembre 13… sadyang mahirap para sa mga militarisadong lugar katulad ng kina Noel ang gumalaw at kumilos laban sa mga militar, dahil laging nakaumang ang baril sa mga mamamayan… Ganito ngayon ang pangkalahatang kalagayan ng mga mamamayan sa lalawigan ng Batangas…” pagpapaliwanag ni Juna Arante, tumatayong Tagapagsalita ng Karapatan-Batangas.

“Kung saan may mga proyektong nagaganap na magpapalayas sa mga magsasaka, nandoon ang mga militar. Umasam ang mga mamamayang Batangenyo ng kapayapaan sa ilalim ng bagong rehimeng Aquino subalit hindi nag-iba bagkus lalo ngayong tumitindi sa aming lalawigan ang usapin ng paglabag sa karapatang pantao, na mas pinatindi pa ng deklarasyon ni Pang. Aquino ng ekstensyon ng Oplan Bantay Laya 2 ng berdugong si Arroyo, nasaan ngayon ang hustisyang ipinapangako niyang ibibigay sa mga biktima ni Arroyo kung siya mismo ay nagbigay ng panibagong hudyat upang ipagpatuloy lamang ng mga militar ang kanilang mga paglabag sa karapatang pantao?” pagpapatuloy pa ni Arante.

Bukod sa DOJ, nagtungo din ngayong araw ang pamilya Baez sa Batasang Pambansa upang suportahan ang ipinasang resolusyon ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus kaugnay sa pagbibigay proteksyon sa mga bata laban sa hostilidad ng armadong tunggalian.

“Hindi kailanman makatarungang idamay ng mga militar ang mga sibilyan, lalo na ang mga bata sa nagaganap na tunggalian nila ng mga armadong grupo, walang ibang laban ang mamamayan, lalo na ang isang inosenteng bata katulad ni Noel…”, ani pa ni Arante.

Humarap din ngayong hapon sa UNICEF ang mag-inang Baez sa pakikipagtulungan sa Children’s Rehabilitation Center (CRC), habang nagpapatuloy naman sa lalawigan ng Batangas ang mga serye ng pakikipag-dayalogo at panawagan sa Human Rights Committee ng Provincial Government upang imbestigahan at aksyunan ang sinapit ni Noel. Kaugnay nito, nakatakda ring magtuloy-tuloy ang serye ng mga PEACE MISSION na inilulunsad sa lalawigan at naglalayong maidokumento pa ang mga katulad na paglabag.

Nananawagan ang KARAPATAN at ang pamilya Baez nang agaran at ganap na paglayas ng mga militar sa mga komunidad sa kanayunan ng Batangas, at ang tuluyang pagpapatigil sa recruitment ng CAFGU na naglalahok sa mga bata at sibilyan sa armadong labanan.

“Makakauwi lamang kami kung wala na ang mga militar sa aming komunidad… talagang nais na nais na naming umuwi at nais na naming muling maging mapayapa ang aming lugar, lalo’t higit ang aking pamilya…”, pagwawakas ni Gng. Baez.###

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

    Join 9,047 other followers

%d bloggers like this: