“SUMPA NA NAGING SUMPA”

Pagsusuri sa UNANG 100 araw ng panunukulan ni Noynoy Aquino bilang Pangulo ng Bansa

ST eXposure


Mabulaklak at tila ba puno ng pag-asa ang mga katagang binitwan ni Benigno “Noynoy” Aquino III noong siya ay manumpa bilang ika-15 pangulo ng Republika ng Pilipinas noong Hunyo 30 sa Quirino Grandtsand. Di maitatangging marami ang umasa na magkakaroon na nga ng pagbabago sa bansa.

Ngayong nagtapos na ang kanyang unang 100 araw ng pagpakapungulo, mahalagang aralin paano niya isinakatuparan ang kanyang mga sinumpaan sa mamamayan. Ang unang 100 araw niya sa katungkulan ay masasabing mahalagang sukatan kung ano ang humigit-kumulang kahihinatnan ng bansa sa ilalim ng  kanyang administrasyon – kung ang mga sinumpaan ay magkakaroon ba ng katuparan o mabuting epekto sa mamamayan, o tulad sa mga nagdaaang pangulo ay mababaon lamang sa limot at magiging masamang sumpa na babalikatin ng sambayanan?


Sumpa ni Noynoy: “Ngayon, sa araw na ito – dito magwawakas ang pamumunong manhid sa mga daing ng taumbayan…”

Resulta: GUBYERNONG MANHID SA DAING NG MGA MAGSASAKA

Pag-upong pag-upo pa lamang ni Noynoy noong Hunyo 30, kagyat nang nagtungo sa Malacañang ang iba’t ibang grupong magsasaka upang magpasa ng sulat na naglalaman ng kanilang mga hinaing at panawagan. Tunay na reporma sa lupa ang hiling ng mga magsasakanag bumubuo ng mayorya ng populasyon ng bansa. Repormang mag-aahon sa kanila sa daan-taong pagkasadlak sa karalitaan at di pantay na relasyon sa mga malalaking nagmamay-ari ng lupa.

Nagtayo ng kampuhan sa paanan ng Mendiola ang mga magsasaka upang bantayan ang magiging katugunan ng Pangulo. Subalit sa halip na dinggin ang mga kahilingan, sa ikaapat na araw ng bagong administrasyon ay marahas na binuwag ng kapulisan ang mapayapang kampuhan.

June 30, 2010 | Kasabay ng panunumpa ni Noynoy, nagtungo sa Malacañang ang mga magsasaka upang pormal na maghapag ng kanilang mga hinaing

Agad naging malinaw sa mga magsasaka kung kanino ang interes na itataguyod ni Noynoy – sa mga kapwa niya haciendero – panginoong maylupa (PML).

Tulad na lamang ng hindi nito pagtataguyod sa interes ng mga magbubukid sa Hacienda Luisita, at pagkikibit balikat lamang habang malinaw ang panlilinlang ng kanyang mga kaanak, naging matingkad na ehemplo si Noynoy para sa mga PML –  na pwedeng pwede nilang panatilihin ang monopolyong kontrol sa malalaking mga lupain at hacienda, at patuloy na linlangin ang mga magsasaka sa pamamgitan ng iba’t ibang porma ng panlalansi tulad ng Stock Distribution Option (SDO) at land use conversion.

July 3, 2010 | Sa halip na dinggin ang kahilingan ng mga magsasaka, marahas na pambubuwag ang isinagot ng bagong administrasyon sa ikaapat na araw nito sa panunungkulan

Sa loob ng 100 araw ng panunungkulan ni Noynoy, wala itong substantibong plano o hakbang para baguhin ang kalagayan ng mga magsasaka. Ang kanyang sinumpaan na pagbibigay ng “kalinga na tunay para sa mga magsasak;. Tutulungan natin sila sa irigasyon, extension services, at sa pagbenta ng kanilang produkto sa pinakamataas na presyong maaari“ ay pabalat-bunga lamang. Sa katunayan, sa panukalang budget ng administrasyon para sa taong 2011, bumagsak pa ng 26% ang inilaang pondo para sa repormang agraryo.

Kahit sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA), wala itong binanggit kaugnay ng usapin ng reporma sa lupa.

Samantalang patuloy ang mga banta ng land grabbing at land use conversion sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Halimbawa na lamang sa rehiyon ng Timog Katagalugan, walang nagawa ang programang agraryo na CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program) at CARPer (CARP with extension and Reforms) upang maipamahagi ang malalawak na  lupain sa Hacienda Yulo sa Canlubang, Hacienda Looc at Roxas sa Batangas,Hacienda Reyes sa Quezon, atbp. Bagkus, ang mga butas sa nasabing progama ang siya pang nagiging daan para sa malawakang pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa.

Ang pag-iral ng programang CARPer na siya ring isinulong ni Noynoy sa Senado kasama ang mga grupong nagpapanggap na makamagsasaka tulad ng Akbayan, kailanman ay hindi masosolusyunan ang problema sa kawalan ng lupa ng mga magsasaka dahil sa pagiging maka-PML nito.

Nagtapos ang unang isandaang araw ng pagkapangulo ni Noynoy nang hindi kailanman nagkaroon ng malinaw na kasagutan sa daing ng mga magsasaka. Sa kabilang banda, patuloy na nagiging target ng pagpatay, pagdukot at pagkulong ang mga lider magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa pagtatapos ng unang 100 araw ni Noynoy nitong Oktubre 6 at 7, muling bumalik at nagtangkang maglunsad ng vigil sa Mendiola ang mga magsasaka. Subalit muli ay marahas na pambubuwag sa ang isinagot ng administrasyon.

Simbolikong sinunog ng mga magbubukid ng Hacienda Luisita ang diumano'y nilulutong "compromise deal" sa pamamagitan ng mediation panel na binuo ng Korte Suprema. (Macky Macaspac | Pinoyweekly.org)

Sumpa ni Noynoy: “Gagawin nating kaaya-aya sa mga negosyante ang ating bansa…”

Resulta: KAAYA-AYA SA MGA NEGOSYANTE AT DAYUHAN, PAHIRAP SA MAMAMAYAN

Walang pinag-iba ang pangakong ito ni Noynoy sa pang-ekonomiyang polisiya ni Arroyo at mga nagdaang pangulo ng bansa.

Sinaunang awitin na nagsasabing ang mga dayuhan at lokal na pribadong negosyo ang tanging daan para sa tunay na pag-unlad ng bansa.

Wala itong ibang kahulugan kung hindi ang patuloy na liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon ng ating ekonomiya na papasanin ng mahihirap nating mga kababayan.

Ito din ang tono ng kanyang unang SONA, ang pagtutulak ng private-public partnership na walang ibang kahulugan kung hindi higit pang pribatisasyon ng mga serbisyo at pag-aaring gubyerno. Ginamit niya lamang dahilan ang pagkabangkarote ng pondo ng gubyerno dahil sa korupsyon at kabulukan ng nagdaang admnistrasyon upang bigyang-matwid ang pagbuyangyang ng bansa sa dayuhan at pribadong interes.

Dati nang programang liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon ang landas na nais tahakin ni Noynoy para sa ekonomya ng bansa (Protesta ng mga kawani ng NFA laban sa pribatisasyon ng naturang ahensiya at sa executive order ni Pang. Arroyo na ipinagpapatuloy pa rin ni Pang. Aquino. Macky Macaspac | Pinoyweekly.org)

Ito rin ang programa ng kanyang yumaong ina na si dating pangulong Cory Aquino at siyang dahilan kung bakit kontrolado ng pribadong sektor ang industriya ng kuryente sa bansa habang walang magawa ang gubyerno upang protektahan ang mamamayan laban sa pagtaas ng singil sa kuryente.

Ang parehong balankas na ito ng liberalisasyon at deregulasyon ng ekonomya ang sanhi din ng pagpapasan ng mamamayan sa walang humpay na pagtaas ng produktong petrolyo.

Protesta ng grupong maralita na KADAMAY laban sa umano'y pagpapabaya ng mga pribadong concessionaire sa tubig (Ilang-Ilang Quijano | Pinoyweekly.org)

Patunay ang patuloy na pagliit ng budget sa mga panlipunang serbisyo sa panukalang 2011 budget. Ang ganitong pagliit ng subsidyo ng gubyerno sa mga batayang serbisyo para sa mamamayan ay kaakibat ng planong liberalisasyon.

Tulad din ng mga nauna sa kanya, lubos ang pag-salig at pangangayupapa ni Noynoy sa among Imperyalistang Estados Unidos (U.S.).

Malinaw pa sa sikat ng araw ang pagkiling ng kasalukuyang gubyerno sa demand at pressure ng mga imperyalistang institusyon upang bigyang prayoridad ang debt servicing, kung saan ay kalakhan pa rin ng national budget ay nilalaan dito habang tinitipid naman ang budget sa serbisyo.

Sa kauna-unahang pagbisita ni Noynoy sa U.S. bilang pangulo ng Pilipinas, pangangayupapa sa Imperyalistang amo ang kanyang tunay na sadya (Larawan mula sa nugglepurl.blogspot.com)

Katunayan ang kalakhan sa pagtaas ng pambansang budget tungo sa halos humigit 1 trilyon ay dahil sa malaking PhP 80.9 bilyong pagtaas sa bayad sa interes sa utang na PhP 357.1 bilyon.

Ito ang pinakamalaking absolutong pagtaas sa bayad sa interes sa kasaysayan ng bansa at, sa 29.2% pagtaas mula sa nakaraang taon, ay ang pangalawang pinakamalaking porsyentong pagtaas pagkatapos ng 32.6% paglago noong 2000. Ayon pa sa grupong panaliksik na IBON, ang mungkahing badyet ay hindi tugma sa pangmatagalang pag-unlad pang-ekonomya at panlipunan.

Kapalit ng patuloy na pag-utang: mas mabibigat na kundisyon para sa mamamayan – pagpapasan ng mamamayan ng mabigat na buwis; halimbawa ang “SIN-tax” na kundisyon sa kasunduan sa WTO – na ang kahahantungan ay pagpapasan sa mamamayan ng mabigat na buwis, hindi sa malalaking negosyo. Gayundin ang nakaamabang pagtaas ng singil sa pasahe sa MRT at LRT ngayong Oktubre.

Sa pagbisita ni Noynoy sa U.S., hindi man lamang napag-usapan ang makaisang-panig na kasunduang VFA (Rally sa Cagayan de Oro City, September 16, 2010. Larawan mula sa Arkibongbayan.org)

Isang mayor na inisyatiba sa pagbebenta sa ating bansa sa mga kapitalistang dayuhan tulad ng US ay ang paglagda ni Noynoy sa  $434 million Millenium Package o ang Millennium Challenge Account (MCA) na nangangahulugan ng pagpapatuloy ng deregulasyon at liberalisasyon sa ilalaim ng open market economy. Ang MCA, isang compact grant na kasunduan ng Millennium Challenge Corp. (MCC) ng US, ay nag-oobliga sa Pilipinas na matupad ang ilang partikular na istandard. Ibig sabihin, upang maging kwalipikado para sa suporta, ang mga tatanggap na bansa ay inoobligang magpatupad ng mga pangekonomya at pampulitikang patakarang neoliberal na inaprubahan ng World Bank at International Monetary Fund (IMF), at ng neokonserbatibong mga think-tank sa US tulad ng Heritage Foundation at Freedom House. Ayon sa mga eksperto sa ekonomiya, ang kasunduan ay kiling laban sa pambansang interes at nagbibigay-daan sa higit pang maling mga patarakan na magpapaguho sa lokal na ekonomya.

Ngunit kasabay ng pagbebenta ni Noynoy sa mga banyaga, ni wala man lamang pagbanggit sa makaisang panig na kasunduang Visiting Forces Agreement (VFA) sa kanyang US trip. Ito ay matapos dumaong sa bansa kamakailan lamang ang nuclear-powered US warship na USS George Washington.

Sa ganitong pustura ni Noynoy, magiging kaaya-aya nga ang bansa para sa mga negosyante – dayuhan at lokal – na ganid sa tubo, kapalit ng higit pang paghihikahos ng mamamayang Pilipino.

 

Wala pa ring katiyakan sa trabaho, nakabubuhay na sahod, at karapatang mag-unyon ang mga mangagawa (August 10, 2010 Protesta ng mga manggagawa sa DOLE. Larawan mula sa Arkibongbayan.org)

Sumpa ni Noynoy: Paramihin ang trabaho dito sa ating bansa upang hindi na kailanganin ang mangibang-bansa para makahanap ng trabaho…”

Resulta: PAKITANG-TAO NA PROGRAMA PARA SA MGA MARALITA, MABABANG SAHOD AT PATULOY NA KONTRAKTWALISASYON

Tulad sa nagdaang mga administrasyon, itinataguyod ni Noynoy ang pagbuhay sa ‘emrgency employment’ at pagsususlong ng interes ng mga dayuhan at lokal na negosyo kapalit ng chronic unemployment, murang lakas-paggawa, kontraktwalisasyon, at paglabag sa karapatang mag-unyon. Hanggang ngayon, nananatiling below-living standard ang minimum wage na humigit kumulang sa P400 sa NCR at P320 sa Timog Katagalugan (NWPB-DOLE), at mas mababa pa sa mga lugar na mas malayo sa mga sentrong urban. Malayo ito sa tinatayang P800- P900 kada araw na standard of living na makakasapat sa isang pamilya na anim ang anak.

Kahit ipinagyabang ni Noynoy na nakapagdala siya ng bilyun-bilyong halaga ng investment mula US, hindi ito nangangahulugan na magkakaroon ng tiyak at nakabubuhay na trabaho para sa mga manggagawa. Lalo lamang nitong palulubhain ang mababang pasahod, kontratwalisasyon at pagsabotahe sa mga unyon.

Katunayan, sa survey ng American Chamber of Commerce of the Philippines lumabas na  72%  sa kanila ang umaasang  tataas ang kita mula 42% sa nakaraang taon. Samantalang 76% naman ang kuntentong magnegosyo sa bansa dahil sa “availability of low-cost labor,” at 70% ay masaya dahil sa mga “availability of trained personnel”.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), pagpapaptunay lamang ito nang paggiging tuta ni Noynoy sa Estados Unidos.

Katunayan, mismong mga campaign contributor ni Noynoy noong eleksyon ay pawang mga negosyante -kapitalista din. Kabilang dito sina:

1. Antonio “Tonyboy” Cojuangco (PhP 100m), tiyuhin at dating chairman ng PLDT
2. Martin Ignacio Lorenzo (PhP 20m), Del Monte Philippines at Pancake House
3. Bu Hong Chiong (PhP 20m), negosyante sa Ozamis City
4. Leonardo Javier Jr. (PhP 14m), Andoks
5. David Lim and Elena Lim (PhP 10m each), Solid Group of Companies
6. Felix Ang (PhP 10m), Cats Motors
7. Alberto Uy (PhP 10m), Philsteel Group of Companies
8. Gerardo Esquivel (PhP 10m), kaibigan ni Noynoy; negosyante
9. Alex Tanwangco (PhP 10m), chairman ng Global Jobsearch Team
10. Jose Ramon Aliling (PhP 10m)
11. Fulgencio Factoran Jr., (PhP 20m)
12. Cesar Purisima, (PhP 10m)

Panakip-butas lamang ang programang Conditional Cash Transfer ng administrasyon upang tugunan ang lumalalang kahirapan sa bansa (Kuha ni Buck Pago | Pinoyweekly.org)

Samantala, habang tinitimbang pa ang paglalaanan sa mga programang pangkahirapan sa pambansang badyet para sa 2011, gigil na gigil naman itong si Noynoy sa pamamagitan ng DSWD sa pangangalandakan tungkol sa Conditional Cash Transfer (CCT) Program. Ang pambansang badyet para sa 2011 ay may nakapanukalang PhP 29.2-bilyong alokasyon para sa CCTP, isang programang nagpapamahagi ng salapi sa mga nangangailangang pamilya nang may kaakibat na samu’t saring kundisyon. Ang programa ay nangangahulugan ng higit na pagkabaon sa utang ng mga Pilipino dahil popondohan ito ng mga dayuhang pautang tulad ng US$ 400-milyong (PhP 19-bilyon) utang mula sa Asian Development Bank.

Ayon pa rin sa grupong IBON, hindi sustenable ang programa at idinagdag pa nila na ang PhP 29.2-bilyong badyet para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay lumilikha ng malaking oportunidad para sa pulitikang kiling sa padrino kapwa sa lokal at pambansang antas.

Subalit sa kabila ng pagtitipid nakatatagpo pa rin ang gubyerno ng pondo para maglunsad ng digma – ang badyet ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na naakusahan ng malulubhang paglabag sa karapatang-tao, ay tumaas nang PhP 10 bilyon o 17.9% patungong PhP 65.8 bilyon ngayong 2011. Posible ring bahagi ng malaki ring PhP 6.6-bilyon o 13.2%-pagtaas sa badyet para sa Philippine National Police (PNP) ay napupunta sa mga pwersa nitong kalahok sa kontra-insurhensya.

Sumpa ni Noynoy: “Hindi natin ipagpapaliban ang mga pangangailangan ng ating mga estudyante, kaya’t sisikapin nating punan ang kakulangan sa ating mga silid-aralan…”

Resulta: BUDGET CUT AT PATULOY NA KOMERSYALISASYON NG EDUKASYON

Martsa ng mga kabataan sa Recto Avenue patungong Mendiola matapos lumayas sa kani-kanilang mga paaralan bilang protesta sa budget cut sa edukasyon (Darius Galang | Pinoyweekly.org)

Sang-ayon pa rin sa balankas ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon, patuloy na komersyalisasyon ng edukasyon ang direksyong tinatahak ni Noynoy. Ang edukasyon na ayon sa ating konstitusyon ay pangunahing serbisyo na tumatanggap dapat ng pinakamalaking budget ng gubyerno ay patuloy sa pagdausdos sa usapin ng prayoridad ng gubyerno.

Ayon sa National Union of Students of the Philippines, makakaranas ng malalaking budget cuts ang edukasyon at mga state universities at colleges (SUCs) kung iaapruba ng kongreso ang budget proposal ng gubyernong Aquino para sa taong 2011.

Sa PhP 1.64 trillion na kabuuang budget ng gubyerno para sa taong 2011, PhP 23.4 billion ang ilalaan sa mga SUCs, mas mababa kumpara sa PhP 23.8 billion noong nakaraang taon. Ito na ang pinakamalalaking kaltas sa pondo ng SUCs sa mga nagdaang taon.

Nasa 25 sa 112 na SUC ang kakaltasan ng pondo, ang may mga pinakamalaking kaltas:

  • University of the Philippines (-PhP 1.39 billion o 20.11%)
  • Philippine Normal University (-PhP 91.35 million o 23.59%)
  • Bicol University (-PhP 88.81 million o 18.82%)
  • University of Southeastern Philippines (-PhP 44.39 million o 20.03%)
  • Central Bicol State University of Agriculture (-PhP 31.65 million o 15.91%)

Habang kinakaltasan ang pondo ng SUCs, kapos naman at mapanlansi ang pondong idinagnag sa DepEd na may 18% budget increase mula PhP 175 billion tungong PhP 207 billion.

Kulang ito ng mahigit PhP 300 billion kung susundan ang rekomendasyon ng UN na 6% ng GDP ang ilalaan. At lubhang kulang ito para matugunan ang mga kakulangan sa pasilidad at guro.

18,000 na bagong classroom lamang ang target ng gubyerno gayong ang kailangan ay 152,000; 10,000 bagong teacher gayong 103,599 ang kulang, at 32 million na textbook sa 95 million na kulang.

Buong pagmamalaki niyang sinabi sa kanyang budget message: “the government aims to gradually reduce subsidy to SUCs” to “push them toward becoming self-sufficient and financially independent.” Pinalamutiang mga kataga na nangangahulugan lamang ng pagbebenta sa pribadong-negosyo ng dapat sana ay primaryang serbisyo ng gubyerno.

Sa nakaraang mga taon, pababa ng pababa ang bahagdan ng inilalaang pondo ng gubyerno para sa pagpapaandar ng SUCs. Noong 2000, 87.74% ng pondo ng SUCs ay galing sa gubyerno, nasa 66.31% na lamang ito ngayong taon.

Tumataas naman ang kinikita ng mga SUC’s mula sa tuition at iba’t ibang mga bayarin. Mula sa kabuuang PhP 1.5 billion isang dekada ang nakararaan, aabot ito sa humigit-kumulang PhP 7.7 billion sa 2011, ayon sa projection ng gubyerno. Ito ay bubuo sa mahigit 22.1% ng kabuuang budget ng mga SUC’s mula sa 8.3% lamang noong 2001.

Sumpa ni Noynoy: “Serbisyong pangkalusugan, tulad ng Philhealth para sa lahat sa loob ng tatlong taon…”

Resulta: HIGIT NA PAGBAGSAK NG PONDONG PANGKALUSUGAN

Samantala, taliwas sa kanyang pangako na popondohan ang serbisyong pangkalusugan, sa 2011 budget ay makikita rin ang pagbaba ng subsidyo para sa mga pampublikong ospital at mga nangangailangan, ayon sa grupong IBON.

Napakaliit na budget na Php39.6 billion ang ilalaan ni Noynoy sa darating na taong 2011 sa sektor ng kalusugan sa bansa (Kuha ni Marya Salamat | Bulatlat.com)

Ang kulang na ngang badyet sa kalusugan ay lalo pang bumagsak nang 3.5% mula PhP 40 bilyon papuntang PhP 39.6 bilyon. Ni hindi naabot ng gubyerno ang parehong antas ng tunay na gastos kada tao sa kalusugan na umabot sa rurok noong 1997.

Samantalang, sa 2010 badyet na “Premium Subsidy for Indigents under the National Health Insurance Program (NHIP)” na PhP 5.17 bilyon ay bumagsak sa wala ngayong 2011. Kung nailipat ito sa aytem sa 2011 badyet na “Subsidy for Health Insurance Premium of Indigent Families including for Informal Sector Enrolled in the National Health Insurance Program” na tumaas lamang nang PhP 3.5 bilyon, ipinapakita lamang nito na ang subsidyo para sa mga nangangailangan sa ilalim ng NHIP ay bumagsak sa aktwal nang PhP 1.67 bilyon.

Bumagsak rin ang alokasyon sa badyet para sa 55 pampublikong ospital sa buong bansa nang PhP 363.7 milyon – mula PhP 5.2 bilyon noong 2010 papuntang PhP 4.8 bilyon nitong 2011. Higit pa, ang badyet para sa mga ospital na may espesyalidad (hal., Lung Center, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center at Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care)  ay bumagsak nang PhP 970.6 milyon.

Gayunman, sa gitna ng mga bumabagsak na badyet para sa mga pampublikong ospital, pinuna ng IBON na tumaas ang alokasyon para sa mga ospital militar sa mungkahing badyet. Halimbawa, ang badyet para sa AFP Medical Center ay tumaas nang PhP 168 milyon, mula PhP 923.5 milyon (2010) papuntang PhP 1.091 bilyon (2011), habang yaong sa Veterans Memorial Medical Center ay tumaas nang PhP 130.7 milyon.

Isa sa mga diumano’y prayoridad na proyekto ng gubyernong Aquino ay bigyan ang mga ordinaryong mamamayan, laluna ang mga mahihirap at matatanda, ng de-kalidad na prupesyunal na pangangalagang pangkalusugan. Subalit ang bumabagsak na paggastos sa kalusugan, laluna ng mga walang kakayahang bayaran ang pangangalagang pangkalusugan at umaasa sa nakasubsidyong serbisyong pampamahalaan, ay nagpapakita ng nagpapatuloy na padron ng pagpapabaya ng gubyerno sa pampublikong sektor na pangkalusugan.

Sumpa ni Noynoy: Tirahan sa loob ng mga ligtas na komunidad…”

Resulta: RELOKASYON SA PAMAMAGITAN NG MGA NEGOSYONG PABAHAY

Kamakailan, nauwi sa marahas na komprontasyon ang tangkang pag-demolis sa bahayan ng may 9,000 pamilya sa North Triangle, Quezon City upang bigyang daan ang proyektong QC Central Business District ng mga Ayala (Macky Macaspac | Pinoyweekly.org)

Kamakailan lamang, nauwi sa marahas na kumprontasyon ang tangkang pagdemolish sa bahayan ng may 9,000 pamilya sa Sitio San Roque, North Triangle sa Quezon City, upang gawing kaaya-aya ang nasabing lugar para sa malalaking negosyo ng pamilyang Ayala. Bahagi ito ng proyektong Quezon City Central Business District (QC-CBD) na tinatayang magdidisloka sa may 25,000 na pamilya sa East at North Triangle sa naturang lungsod.

Pilit ililipat ang mga residente ng San Roque sa relocation site sa Montalban, Rizal at manganguhulugan ito ng dislokasyon sa kanilang trabaho at hanapbuhay. Bagay na magdudulot din ng pagkakabaon nila sa utang sa nasabing pabahay na bababayaran sa loob ng 30 taon.  Kamakailan lamang, ibinunyag ng mamahayag na si Arnold Clavio na ang konstruksyon ng relocation site sa Montalban ay hawak ng New San Jose Builders, Inc. na pag-aari ng isang Jerry Acuzar, bayaw ng Executive Secretary ni Noynoy na si Paquito Ochoa.

Ayon sa grupong KADAMAY, si Acuzar at mga hawak nitong kumpanya sa konstruksyon at pabahay ay dati nang kasabwat ng National Housing Authority mula pa noong administrasyon ni Erap sa mga “negosyong pabahay.”

Samantala, demolisyon at pagpapalayas din ang kinakaharap ng may 100,000 pamilya sa kahabaan ng tabing riles sa Timog Luzon upang bigyang daan ang negosyong-proyekto ng mga dayuhang investor na Southrail project sa ilalim ng PNR modernization program.

Nagpapatuloy rin ang operasyong urban militarization sa mga lugar kung saan may banta ng demolisyon. Katunayan, nakaamba ang pagdemolish sa may 150 pamilya sa Sitio Kabute, Calamba City na ngayon ay tinayuan na ng permanenteng detachment ng Army.

Habang tulad sa Sitio San Roque, wala namang maayos na programang relokasyon at pang-kabuhayan ang gubyerno sa mga mapapalayas sa tabing riles. Karaniwan ay di ligtas na komunidad ang mga pinagdadalhan sa kanila. Katunayan, sa mga Southville relocation site halimbawa sa Laguna ay pangita ang kawalan ng hanapbuhay at mga batayang serbisyong pangkalusugan, tubig, kuryente at paaralan.  Kadalasan pa, ang mga Southville na ito ay katabi kung hindi man nakatayo sa dating tambakan ng basura.

Mas higit pa itong palalalain sa kakakrampot na dagdag sa badyet sa pabahay na hindi nagbago sa mahinang PhP 273-milyong dagdag sa nakaraang taon.

SUMPA NI NOYNOY: “Ang sinumang nagkamali ay kailangang humarap sa hustisya. Sa mga nang-api sa sambayanan, wala akong karapatan na limutin ang inyong mga kasalanan…”

RESULTA: PATULOY NA KAWALANG HUSTISYA

Hanggang sa kasalukuyan, walang substantibong nagawa si Noynoy para usigin ang nagdaang rehimen sa mga kasalanan nito sa mamamayan, bukod pa sa tila walang hangad ang bagong administrasyon na papanagutin si Arroyo at iba pang matataas na opsiyal sa usapin ng extrajudicial killing at human rights violations.

Hawak ni Lilibeth Guevarra-Bunag ang larawan ng kanyang ama na si Pascual Guevarra, lider magsasaka sa Nueva Ecija na isa sa mga unang biktima ng EJK ng administrasyon ni Noynoy (Arkibongbayan.org)

Tuloy-tuloy ang extrajudicial killing at human rights violations, kung saan umabot sa 6 ang pinatay sa unang buwan pa lamang niya sa pwesto at 16 sa loob ng 100 araw. Pinakahuli rito ang pagpaslang ng 8th IB Philippine Army kay Rene “Toto” Quirante, Secretary General ng KAUGMAON, lokal na sangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas  (KMP) sa Guihulngan, Negros Oriental noong Oktubre 1. Alinsunod ito sa pagpapatuloy ng Oplan Bantay Laya, ang kontra-inurhensyang program ni Arroyo na pinalawig ni Noynoy hanggang 2011 sa kabila ng batikos dito hanngang sa antas ng international human rights community.

Sa ilalim ng pagpapatupad ng programang ito sa ilalim ng rehimeng Arroyo,umabot ng mahigit 1,000 naging biktima ng extrajudicial killing, habang daan-daan ang dinukot at iligal na ikinulong kabilang na ang mga Health Workers na tinaguriang Morong 43.

Sa Timog Katagalugan, 5 magsasaka at katutubong dumagat ang naging biktima ng EJK sa lalawigan ng Rizal. Kamakailan lamang, nitong October 6 bago magsara ang unang 100 araw ng panunungkulan ni Noynoy, 3 lider magsasaka ang dinampot at ikinulong ng mga militar sa Lumban, Laguna.

Patunay lamang na isang malaking kasinungalingan ang sumpa ni Noynoy na “Hindi maaaring patuloy ang kalakaran ng walang pananagutan at tuloy na pang-aapi.”

Tulad ng rehimeng Arroyo, binubusog ngayon ni Noynoy ang AFP at PNP sa pamamagitan ng paglalaan ng napakalaking pondo dito kumpara sa mga serbisyong panlipunan. Malinaw na tulad ni Arroyo, nakadireksyon ang kanyang administrasyon sa militaristang landas ng ibayo panunupil sa mga aktibista, kritiko, at sino mang tututol sa mga makadayuhan at kontra-mamamayang programa ng pamahalaan.

Ito mismo ang disenyo ng 2009 counter-insurgency guide ng U.S. na walang patumanggang sinusunod ngayon ng administrasyon.

Nagtapos ang unang 100 araw ni Noynoy na may 16 na biktima ng EJK (Macky Macaspac | Pinoyweekly.org)

Kahit ang paglalaan ng malaking pondo sa DSWD ay nakabalankas sa programang OBL kung saan gagamit ng mga mapanlinalang at pakitang-tao na mga proyekto ang mga militar at kapulisan. Sa pamamagitan ng mga civil-military operation, inunyutralisa ang mga kilalang lider at aktibista hanggang tuluyang wasakin ang mga organisasyong mamamayan sa mga komunidad.

Nangangahulugan din ito na walang balak si Noynoy na sumalig sa usapang pangkapayapaan upang resolbahin armadong pakikibaka sa bansa na isinusulong ng CPP-NPA-NDFP.

Noong SONA, hinamon niya ang CPP-NPA-NDFP na maglaan ng kongkretong mungkahi, sa halip na pawang batikos lamang” nang hindi muna inaaral na matagal nang nakahanay ang pag-uusap para sa Socio-Economic reforms batay sa pinagkaisahang balangkas ng peace talks sa ilalim ng the Hague Declaration ng 1992.

Si Noynoy at Secretary Teresita Deles ay walang pinag-iba kay Arroyo na nais distrungkahin ang usapang pangkapayapaan sa paghahamon nito ng kundisyon ng tigil-putukan at pagsuko bilang batayan ng pag-uusap. At habang iwinawagayway ang kunwang goodwill ng gubyerno para sa Peace Talks ay tuloy naman ang kaliwa’t kanang military operation.

Sumpa no Noynoy: “Ang unang hakbang ay ang pagkakaroon ng tuwid at tapat na hanay ng mga pinuno. Magsisimula ito sa akin. Sisikapin kong maging isang mabuting ehemplo…”

Resulta: PULITIKA NG “UTANG NA LOOB”

Taliwas sa kanyang pangakong ito, at sa kanyang slogan na “kung walang corrupt, walang mahirap,” sa unang 100 araw ni Noynoy sa pagkapangulo ay makikita na ang bahid ng pulitika ng “utang na loob.” Ang tradisyunal na pulitikang pumapabor sa mga kaibigan, pinansyer at kaanak ng nakaupo sa poder.

Tampok dito ang walang patumanggang pagtatanggol ni Noynoy sa kanyang malapit na kaibigang si DILG underseretary Rico Puno sa harap ng kaliwa’t kanan na batikos sa usapin ng jueteng at ng palpak na pagresolba sa na Hostage-taking crisis noong Agosto 23 kung saan nasawi ang 9 na Hongkong National at mismong hostage taker. Kitang-kita ang pagiging makaisang-panig ni Noynoy sa hindi nito kagyat na pag-aksyono sa rekumendasyon ng IIRC (Incident Investigation and Review Committee) kaugnay ng nasabing insidente maprotekatahan lamang si Puno at Manila Mayor Alfredo LIm na parehong malapit sa kanya. Idagdag pa na mismong si Noynoy ay nagpakita ng kawalang-kakayahan sa pagresolba sa hostage crisis at dapat din masalang sa imbestigasyon.

Samantala, pangita rin sa kanyang mga hinirang sa gabinete ang pagbabayad sa naging pampulitikang utang na loob niya dito noong panahon ng eleksyon. Halimbawa, nakaluklok ngayon sa kanyang gabinete sina Cesar Purisima sa Department of Finance, Alberto Lim ng Makati Business Club sa Department of Tourism at mga kaibigan, kaklase at kamag-anak sa iba’t ibang pwesto sa gubyerno.

100 araw ang lumipas subalit walang naging mapagpasyang hakbang si Noynoy upang usigin at parusahan ang rehimeng Arroyo

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nauusig si Arroyo at matataas na opisyal ng nagdaang rehimen sa malalaking kaso ng katiwalian at pandarambong.

Tila ningas cogon ang kanyang pagbuo ng Truth Commission dahil magpasahanggang ngayon ay wala pang nasisimulan na imbestigasyon o pagsasampa ng kaso gayong ang kabuuan ng kanyang SONA ay pagbubulgar ng katiwalian at kabulukan ng rehimeng Arroyo. Pawang mga imbestigasyon ng Kongreso lamang ang umuusad, samantalang pawang inisyatiba ng mga pribadong grupo tulad ng Bagong Alyansang Makabayan at mga Partylist tulad ng Bayan Muna ang nangunguna sa pagsasampa sa korte at pag-file ng impeachment complaint kontra sa masugid na alyado ni Arroyo na si Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Naging mabuting ehemplo nga si Noynoy: mabuting ehemplo para sa kanyang mga malalapit kaibigan, kaanak at mga pinagkakautangan.

Sumpa ni Noynoy: “Kayo ang boss ko, kaya’t hindi maaaring hindi ako makinig sa mga utos ninyo,… Tayo na sa tuwid na landas…”

RESULTA: LANDAS NG PATULOY NA PAGKABULOK

Taliwas sa kanyang sinumpaan, sa ika-100 araw ng Noynoy, humigit kumulang ay inilaan niya ang kanyang panahon ng panunungkulan sa pagpapatuloy ng mga polisiya ng nakaraang rehimen na walang iba kundi ang higit na pagsadlak sa kahirapan ng mga mahihirap, pagtindi ng paglabag sa karapatang pantao, pagbuyangyang ng bansa sa dayuhang pananamantala, pagtalikod sa responsibilidad sa mamamayan at pag-iwas sa mga mahahalagang usapin ng bayan. Habang puspusan ang pagmanipula at pagmaniubra nito sa harap ng midya sa tunay na kalagayan ng bansa, pilit nitong pinalilitaw na nasa “daang matuwid” ang kanyang rehimeng nasa bingit na ng pagkadiskaril.

Sa pagtatapos ng unang 100 araw ng pagkapangulo ni Noynoy, mababanaag na ang kahihinatnan ng samabayanang Pilipino sa mga darating pang taon ng kanyang panunungkulan.

Sa kanyang unang 100 araw bilang pangulo, malinaw na ang landas na tatahakin ni Noynoy ay ang dating nang bulok na daan kung saan nangingibabaw ang interes ng mga dayuhan sa pangunguna ng Imperyalista U.S.; ng malalaking PML-Haciendero; at ng mga dambuhalang lokal na negosyo (Larawan mula sa Bayan-SMR)

Malinaw na tulad sa mga nagdaang rehimen, ang kanyang boss ay ang dayuhang interes na pangunahing kinakatawan ng Imperyalistang U.S., ng mga kasabwat nitong malalaking panginoong-maylupa, haciendero at dambuhalang negosyo. Malinaw na ang landas na kanyang tinatahak ay ang dati nang bulok na daang nagpapahirap sa mamamayan.

Sabihin man ng administrasyon na hindi umano kayang resolbahin ang mga problema ng bansa sa loob lamang ng 100 araw, wala naman itong naging tapat na hakbangin para baguhin ang mga ito, bagkus ay lalo pang pagpapalubha ng dati nang mga kundisyong nagpapahirap sa mamamayan.

Sa pinakabatayan, ang totoong daan tungo sa pagbabago sa bansa ay ang landas ng pambansang demokrasya at kalayaan – ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa para sa mga magsasaka at pagbuwag ng monopolyong kontrol sa lupa ng mga PML; pag-garantiya ng nakabubuhay na sahod, katiyakan sa trabaho at kabuhayan; pagsasabansa at pagpapaunlad ng mga batayang industriya at pagpapalaya ng bansa mula sa dayuhang dikta at kontrol sa ekonomya at pulitika; ang prayoritisasyon sa mga batayang serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan, pabahay atbp;  at ang paggalang sa karapatang pantao at pagkakaroon ng kapayapaang nakabatay sa katarungan.

Kaya kasabay naman ng patuloy na pagkalantad ng tunay na mukha ng bagong administrasyon, ay ang nagpapatuloy na pagsulong ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino hanggang makamit ang tunay na pagbabago.

________________________________

Mga Sanggunian: IBON Foundation | National Union of Students of the Philippines (NUSP) | Kabataan Partylist | Karapatan Alliance for the Advancement of People’s Rights (KARAPATAN) | Kilusang Mayo Uno (KMU) | Kilisang Magbugukid ng Pilipinas (KMP) | Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) | National Wages and Productivity Board | Department of Budget and Management | Department of Social Welfare and Development | Bulatlat.com

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

    Join 9,047 other followers

%d bloggers like this: